Ang Wika At Ang Kapaligiran Ay Iisa
Photo from kwf.gov.ph
Para sa pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Filipino ngayong Agosto, sinubok ng aming pangkat sa LineaOrganica na yakapin ang ating wika. Sinanay namin ang aming mga sarili na tanging ang wikang Filipino lamang ang kilalanin sa buong araw, at sa bawat banyagang lengguwahe na aming gagamitin ay may katumbas na isang piso na ilalaan namin para sa meryenda ng lahat. Hindi naging biro para sa lahat ang pagsasanay na ito – payak ngunit mahirap panatilihin.
Ikinatuwa ng lahat ang panukalang ito, ngunit habang tumatagal tila humihirap. Masyadong nakasanayan ng bawat isa ang paghahalo ng dayuhang wika sa sariling atin. Hindi ba dapat mas bihasa tayo sa pakikipag-usap gamit ang ating wika?
Photo from kwf.gov.ph
Ang tema ng pagdiriwang ngayong taong 2019 ay Wikang Katutubo: Tungo sa Isang Bansang Filipino. Ika ng KWF o Komisyon sa Wikang Filipino, ang temang ito ay isa sa pagpapatibay at pagbibigay ng halaga sa mga katutubong lengguwahe. Ika rin ng kagawaran na ang wika ay isang pamanang kultura sa isang lahi, kaya’t ang kanilang mga programa ay nakatuon sa pagpapaunlad, pagpapalaganap, at preserbasyon. Ayon sa tala ng UNESCO, may bilang na 2,680 mga wika sa buong daigdig ang nanganganib mabura o maglaho sa hinaharap kung hindi ito aaksyunan.
Photo: Jilson Tiu from Spot.ph
Kaugnay sa pagpapanatili nito, isa rin sa pumupukaw sa aming mga isipan bilang kami ay nagtatrabaho sa industriya ng mga produktong organic, ang pagpapanatili ng kagandahan at kaayusan ng ating kapaligiran. Isa na rito ang pagtalakay namin sa pagsusulong ng bagong mayor ng Maynila na maging “green city” ito. Isa sa kanyang mga proyekto ay ang pagpapalawak ng Arroceros Forest Park, isang parke na matatagpuan sa kalye Antonio Villegas sa gitnang distrito ng Ermita. Ang proyektong ito ay may planong isara ang sulok ng Quezon footbridge upang magbigay lugar sa green space, kasabay na rin ang direksyon sa pagtulong resulbahin ang trapiko sa Lawton.
Isa itong magandang balita sa karamihan ng mga environmentalists dito sa bansa sapagkat ang pagtutuon ng pansin dito ay talagang kinakailangan. Hindi man nakikita ng lahat, o sadyang nakapiring ang mga mata. Ngunit isa na ito sa mga dapat alalahanin, sapagkat hindi biro ang nangyayari sa ating daigdig. Palala na ng palala ang global warming at kailangan maging alerto ang karamihan kung hindi man ang lahat.
Isa ito sa mga mithiin ng LineaOrganica. Ang paggamit ng mga produktong organik ay isang malaking tulong upang maibsan ang greenhouse gas emissions na nagpapalala ng global warming. Isa rin ang mga kemikal na pataba sa lupa ang dahilan sa pagkasira ng kalikasan. Ang paggamit nito ay nakarurumi ng tubig sa ating paligid at marami pang iba.
Ang pagprepreserba ng wika at kapaligiran ay hindi nagkakalayo. Karamihan sa atin ay binabaliwala lamang ito ngunit ito ay nakababahala. Kung ito ay hindi natin pagtutuunan ng pansin, mawawala sa atin ang mga bagay na pinakaimportante sa ating buhay at kultura. Kasabay ng pag-aalaga sa lahat ang pagsulong ng makabuluhang wika at kapaligiran.
Kamusta ang iyong kapaligiran? Kamusta ang iyong wika?